Ang Aking Munting Bisikleta at Ang Pulang Lobo ng Kaibigan Ko

boy on small bike with red balloon

Isang araw nung huling bakasyon namin, naglaro ako ng video game habang naka-upo sa isang bangko na inilagay sa gilid ng aming bahay. Takipsilim na noon. Nagsimula nang kumulimlim ang paligid at kumakanta na ang mga palaka sa may ilog.

Binalewala ko ang lahat na nangyayari sa kapaligiran. Seryoso ako sa aking laro. Muntik ko nang maubos ang aking mga kalaban.

Habang nag iingay ang mga kuliglig sa may damuhan na malapit lang sa bahay namin, maigi kong minamanmanan ang aking mga kawal at pinatay ko nang dahan-dahan ang lahat nang mga gustong bumukod sa aking kastilyo.

Mga isang oras na siguro akong naglalaro nang nakarinig ako ng ingay sa may likod bakuran namin. Parang may naglalakad na kung ano. Ang yapak na napuna ko ay parang sa isang matanda na masakit ang isang paa. Para ring may dala syang sungkod.

Dahil walang ibang ingay sa paligid kundi ang mga tinig ng mga kuliglig at palaka, hindi ko maiwasang matakot sa pagkarinig ko ng mga yapak na ‘yon. Ako lang mag isa aming bahay. Wala pa ang mama at papa ko. Sinabihan nila ako na mga alas diyes pa sila uuwi dahil may pupuntahan pa sila.

Pero dinig na dinig ko talaga ang mga yapak sa aming likod bakuran. Parang papalapit ito kung saan ako naka upo.

Nakalimutan ko na ang aking laro. Hindi ko na napansin na muntik nang maubos ang aking mga kawal at palapit na ang aking mga kaaway sa aking kastilyo. Wala na akong ibang pinansin kundi ang tinig nang mga yapak na palapit at palapit na sa akin.

Tumindig ang lahat kong mga balahibo. Nanginginig na ako sa takot. Halos hindi na ako makahinga. Hindi ko maiwasang mapalingon kung saan-saan…pero wala akong nakikita. Madilim na ang buong paligid at ang mga yapak na ‘yon…ang mga yapak na ‘yon…tila ang lapit-lapit na…

Nang para na talagang nasa likuran ko na ang mga yapak na naririnig ko…hindi ko napigilan ang akong sariling lumingon nang dahan-dahan…

At, sa laking gulat ko, nakita ko ang aking munting bisikleta na may nakakabit na pulang lobo…napa ungol ako sa takot…ang bisikleta ko na ibinigay nang Papa ko noong tatlong taong gulang pa lang ako at ang lobo ng kaibigan kong matagal nang namatay ay dahan-dahang pumatungo sa akin…pero wala namang tao na nakahawak nito…

Rinig na rinig ko na ang mga yapak…para itong tambol na dumadabog sa aking tenga at dibdib…pero wala pa rin akong makitang tao…ang bisikleta ko lang na may nakakabit na pulang lobo na palapit at palapit na sa akin…

“Aaaaaaaaaaahhhhhhhhhh!!!”

Napasigaw ako.

Ipinikit ko ang aking mga mata. Ayaw ko nang makita ang bisikleta ko. Ayaw ko nang makita ang pulang lobo ng kaibigan ko.

Hindi totoo ang mga nakikita ko, sabi ko sa aking sarili.

Pero nang ibinukas kong muli ang aking mga mata, nakita ko na lang ang aking munting bisikleta na may nakakabit na pulang lobo na huminto na sa paggulong at nasa harapan ko na.

“Aaaaaaaaaahhhhhh!!! Bangungot lang ‘to!!!”

Napasigaw akong muli.

Ngunit kahit ilang ulit kong ipinikit-bukas yong mga mata ko, nandyan pa rin ang bisikleta na may nakakabit na pulang lobo.

Pagkatapos nang ilang sandali ay hinimatay na ako.

**********

Limang taon ako noong huli kong pinaglaruan ang aking munting bisikleta. Masaya akong gumala-gala sa aming paligid kasama ang mga kaibigan ko, na nakasakay sa aking bisikleta.

Isang araw, yong isang kaibigan kong si Kenneth ay pumunta sa aming bahay na may dala-dalang pulang lobo. Sabi nya ikakabit naming yon sa bisikleta ko at mag libot-libot kami sa paligid-ligid.

Ang saya-saya namin noon. Sinakyan naming ang bisikleta papuntang damuhan, hanggang naabot namin ang ilog. Doon, napagpasyahan kong magpahinga muna kaya ibinigay ko ang aking bisikleta kay Kenneth at umidlip ako nang sandali. Akala ko lang na iidlip ako, ngunit naging mahimbing ang aking tulog.

Paggising ko, takipsilim na at wala na si Kenneth at ang aking munting bisikleta na may nakakabit na pulang lobo.

**********

Hindi ko na nakita si Kenneth mula noon. Hindi ko na sya nakitang buhay.

Habang nakatulog ako nang mahimbing ay nahulog pala sa ilog si Kenneth at nalunod dala-dala ang munti kong bisikleta na may nakakabit na pulang lobo. Limang taong gulang din sya noon at may kaliitan. Hindi sya marunong lumangoy.

Isang taon akong halos di makapagsalita dahil sa nangyari. Kahit sa aking murang edad ay sinisi ko ang sarili ko sa nangyari.

**********

Gumising akong nakasigaw. Pagdilat ko sa aking mga mata ay nakita ko pa rin ang akong munting bisikleta na may nakakabit na pulang lobo.

Pagkatapos ng ilang segundong pagsigaw…nakaramdam ako nang basang kamay na humawak sa braso ko.

Napasigaw na naman ako. Ngunit ngayon ay wala na akong narinig.

Nangitim ang aking paningin. Hindi na ako makahinga. Hinimatay akong muli.

**********

Limang taong gulang na naman ako. Dahan-dahan kong pinagulong ang aking munting bisikleta na may nakakabit na pulang lobo papuntang ilog. Hindi ako tumigil hanggang natabunan na ako sa tubig at ang buong paligid ko ay naging kasing lamig ng yelo.

– The End –

(Photo Credit: onecalebaday.blogspot.com)

 

 

P.S. I don’t usually write in Tagalog. I am not very good at it. This attempt was for my 12-year-old’s school project. I will post a translation of it very soon.

You may also like

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *